Thursday, November 23, 2017

Marinduque-Torrijos Festivals

TUBAAN FESTIVAL

Ang bayan ng Torrijos ay kilala sa “TUBA”, isang uri ng lokal na alak na nagmumula sa mga umuusbong na bulaklak ng puno ng niyog. Ang bulaklak na ito ay tinatalian at saka pinupungusan upang tumulo ang katas sa nakasahod na tukil.  Ang katas o dagta mula sa mga bulaklak ng niyog ay natural na alak at ito ay nilalagyan ng pinulbos na balat ng tangal upang matanggal ang medyo mapaklang lasa. Ang tuba ay hindi lamang nagsisilbing alak, ito rin ay ginagawang suka at ang pawis ng tuba kapag nagdadaan na sa isang proseso ay siya ring nagiging lambanog, Ngunit, dahilan sa pagsulong ng teknolohiya at pagsubok mula sa mga natural na kalamidad, naapektuhan ang industriya ng tuba sa lalawigan.  Kaya, naging layunin ng bayan ng Torrijos sa pamamagitan ng kanilang Tubaan Festival na mapanauli ang industriya ng pagtutuba.  Malaki ang naitutulong ng pagtutuba sa kabuhayan, gayundin mas mabuti ito sa kalusugan kaysa sa mga inumin ngayon na pulos kemikal.  Para sa mga taga-Torrijos, ang pagtutuba ay isang kasanayan at kakayahan na maihahalintulad sa isang sayaw. Ang maling hakbang sa pal-am ng niyog ay maaaring ikabali ng buto o kaya’y ikahulog mula sa puno. May ritmo ang galaw, may indayog at balanse ng katawan, at may pag-iingat at higpit ng yakap sa puno upang matiyak  ang kaligtasan kapag nangunguha ng tuba.

No comments:

Post a Comment